Mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang nag-utos na huwag payagang pumasok sa Malacañang ang Rappler reporter na si Pia Rañada.
Sinabi ni Rañada na sinabi ni Internal House Affairs Office Director Jhopee Avanceña na ang pangulo ang naglabas ng desisyon na huwag siyang payagang tumuntong sa Palasyo.
“He said you are not allowed inside. That’s it. Not only today,” ayon sa umano’y text message ni Avanceña sa nasabing reporter.
Sa press briefing sa Malacañang kanina ay sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na papayagan pa namang mag-cover sa Palasyo ang Rappler pero hindi bilang miyembro ng Malacañang Press Corps dahil hindi umano sila lehitimong miyembro ng media makaraan ang inilabas na desisyon ng Securities and Exchange Commission na kumukwestyon sa kanilang mga dokumento.
Kaninang umaga ay hindi na pinayagang makapasaok sa New Executive Building si Rañada makaraan siyang harangin ng mga miyembro ng Presidential Security Group (PSG).
Nauna nang sinabi ng Malacañang na bahagi ito ng paghihigpit ng pamahalaan lalo na sa mga nasa likod ng pagpapakalat ng umano’y fake news.