Ibinunyag ng Malacañang na makailang beses na bumisita ang sinibak na si Philippine Navy Chief Vice Admiral Ronald Joseph Mercado sa Corporate Headquarters ng kumpanyang Thales Tacticos sa The Netherlands.
Pahayag ito ng Palasyo makaraang madawit sa isyu ng pagbili ng Philippine Navy frigate si Special Assistant to the President Bong Go.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, may ilalabas na documentary evidence ang Malacañang para patunayan na may sariling interes si Mercado P15 Billion frigate deal ng Philippine Navy.
Gayunman, sinabi ni Roque na hindi pa matukoy ngayon ng Palasyo kung ano ang rason ni Mercado sa paulit-ulit na pagbiyahe sa punong tanggapan ng Thales Tacticos.
Isinisulong ni Mercado na sa nasabing kumpanya kumuha ng Combat Management System (CMS) ng frigate deal kaysa sa kumpanyang Hanhwa System.
Kasabay nito, sinabi naman ni Roque na walang kumpas si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga cabinet members na samahan si Go sa Senate hearing.
Ayon kay Roque, pagpapahayag ng suporta ang kanilang ginawa kay Go kaya maraming miyembro ng gabinete ang nasa Senado kanina.