Lupain ni dating LTO Chief Virgie Torres sa Hacienda Luisita sisiyasatin ng DAR

Viriginia-Torres
Inquirer file photo

Nagsimula na ang imbestigasyon ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang napaulat na pag-upa umano ng lupain ni dating Land Transportation Office (LTO) Chief Virginia Torres sa loob ng Hacienda Luisita.

Ayon kay DAR Asec. Justin Vincent  Lachica, mahigpit na pinagbabawal ng kagawaran sa mga land beneficiaries ng Hacienda Luisita na ipagamit o paupahan sa iba ang lupaing ibinigay sa kanila ng pamahalaan.

Kung mapatunayan sa imbestigasyon na ipinagagamit kay Torres ang nasabing lupain  magsasampa sila ng apila para kanselahin sa beneficiaries ang lupang ibinigay sa kanila ng DAR.

Ipinaliwanag rin ni Lachica  na hindi pa nila alam kung may lupa nga bang inuupahan si Torres sa loob ng naturang Hacienda at  malalaman lamang umano nila ito kapag panahon na ng pag aani ng tubo dahil sa panahong iyon makikita nila kung sino ang mga namuhunan.

Sinabi naman ni Sugar Regulatory Administration Head Regina Martin na base sa kanilang mga nakuhang impormasyon ay aabot sa 120 hectares ng lupain sa loob ng Hacienda Luisita ang inuupahan ng dating pinuno ng LTO.

Pero para makatiyak ay inaalam na rin nila kung anong uri ng kasunduan ang pinasok ni Torres sa hanay ng mga land beneficiaries sa nasabing lupain.

Kinumpirma  rin ni Martin na may permit si Torres para makipag-negosyo ng asulak sa domestic market pero hindi raw ito nangangahulugan na pwede na niyang pasukin ang sugar importation.

Read more...