Sa kaniyang facebook post, sinabi ni Joji Villanueva Alonsom isa sa mga producer ng pelikula, patuloy aniyang tinatangkilik ang pelikula.
Inilahad din ni Alonso ang linggo – linggong halaga ng kinita ng ‘Heneral Luna’:
• 1st week (Sept. 9-15): P15,333,299
• 2nd week (Sept. 16-22): P44,066,423
• 3rd week (Sept. 23-29): P104,010,219
• 4th Week (as of Sept. 30): P8,937,640
Patuloy din na hinihikayat ng mga producers ang publiko na panoorin ang pelikula para magawa nilang maka-break even sa halagang P200 million.
At dahil napili ang nasabing pelikula na maging pambato sa 2016 Oscars ay kakailanganin ng $2 million para dito.
Magugunitang ang pelikulang “Heneral Luna” ay opisyal na idineklara para pambato ng Pilipinas sa 2016 Academy Awards o mas kilala bilang Oscar Awards sa ilalim ng kategoryang Best Foreign Language Film.
Ito ay inanunsyo ng Film Academy of the Philippines sa pamamagitan ng kanilang director general na si Leo Martinez.
Ang kumite naman na itinalaga para sa pagpili kung anong pelikula ang kakatawan sa Pilipinas sa Oscars ay pinamumunuan ng filmmaker na si Mel Chionglo, kasama ang mga miyembrong sina Lorna Tolentino, Michael de Mesa, Lee Meiley, Joe Carreon, Boy Binarao at Rolando Tolentino.
Ayon kay Chionglo, kasama rin sa mga pinagpilian ay ang “Taklub” ni Brillante Mendoza at “Hari ng Tondo” ni Carlitos Siguinon-Reyna.