Umamin ang dayuhan na nadakip ng pinagsanib na pwersa ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) na siya ay naging miyembro ng Islamic State (IS).
Sa kaniyang pahayag sa media sinabi ni Fehmi Lassqued alyas John Rasheed Lassoned na dati siyang kasapi ng teroristang grupo.
Si Lassqued ay nadakip sa room 409 ng Casa Blanca Apartment sa M. Adriatico, Malate, Maynila at sa nasabing apartment unit nakuha ng mga otoridad ang samu’t saring armas at mga gamit sa paggawa ng pampasabog.
Kasama ring naaresto ang Pinay na umano ay kasintahan nito na si Anabel Moncera Salipada, 32 anyos at mula sa upi, Maguindanao.
Sa inuupahang kwarto ng dalawa nakuha ng mga otoridad ang iba’t ibang armas, mga bala, mga sangkap at gamit sa paggawa ng IED kabilang ang electronic circuits, resistors, capacitors, mga baterya, pipe fittings, mga barya na ipanglalaman sa pipe bomb at maging mga triggering device.
Si Lassqued ay gumamit ng pekeng Tunisian passport nang pumasok sa bansa noong July 2016.
Mula noon, naglalabas-masok na ang dayuhan sa Pilipinas na natukoy ding bumiyahe sa Islamabad at Kuala Lumpur.