Tiniyak ng ilang transport groups na maglalabas na sila ng mahigit 3,000 modern na mga jeep sa loob ng susunod na tatlong buwan.
Ito ay bilang suporta sa Public Utility Vehicle (PUV) Modernization Program ng pamahalaan.
Ayon sa Department of Transportation (DOTr) sa isinagawang lagdaan ng memorandum of agreements (MOA) sa Land Transportation Office (LTO) main building sa Quezon City, nangako ang mga transport group na maglalabas na sila ng mga bagong pampasaherong jeep.
Sa MOA signing, nangako ang isang private transport supplier na makapagde-deliver ng 20,000 bagong PUVs kada taon habang isa pang supplier ang tutulong sa mga operators para sa proseso ng financing requirements.
Dahil dito ayon kay DOTr Undersecretary for Road Transport Thomas Orbos, sa susunod na tatlo hanggang anim na buwan unti-unti nang magkakaroon ng bagong mga pampasaherong jeep sa kalsada.
Tiniyak ng DOTr sa mga operators at drivers na tutulungan sila ng gobyerno para makahanap ng panggastos upang mapalitan ang mga luma na nilang jeep.