Hotel sa ‘The Fort’ sinisisi sa mga ‘nawawalang’ pusa

 

FB/Marcelle John Marcelino

Kalat na kalat sa social media ngayon ang ilang posts ng mga netizens na bumabatikos sa isang hotel sa The Fort matapos maitala ang insidente ng pagkawala ng mga pusa.

Trending ang post ng isang Marcelle John Marcelino na naglalaman ng isang forwarded message mula sa isang ‘Lucy M.’ tungkol sa umano’y pag-utos ng Shangri-La sa isang pest control company na i-relocate ang mga pusa sa nasabing parke.

Ilang netizens ang naghinala na pinatay ang mga nasabing pusa.

Ang post ni Marcelino ay nagtala na sa ngayon ng higit 17,000 reactions, 2,000 komento at 9,400 shares lulan ang galit ng netizens.

Samantala, mayroon ding ilang posts sa Facebook na nagsasabing may ‘cover-up’ na ginagawa ang Shangri-la sa nasabing isyu.

Ilang mga bad reviews at comments sa kanilang Facebook page tungkol sa ginawa sa mga pusa ang kanilang ni-report at na-block din ang ilang netizens sa paglalagay ng reviews.

Sa post naman ng isang Michelle Ricafort Bornales, sinabi niyang sandali pa siyang nawalan ng access sa kaniyang account matapos siyang mag-iwan ng hindi magandang review, at nang mabuksan niya muli ito ay na-delete na ang nasabing review.

Maging ang post ng sikat na blog na When In Manila tungkol sa mga nasabing pusa ay bigla na rin lang aniyang nawala.

Nanawagan naman ang mga netizens, partikular na ang mga pet at cat lovers, na i-boycott ang mga produkto at serbisyo ng Shangri-la dahil sa pagiging peke umano ng hospitality nito sa mga nilalang na may buhay tulad ng mga pusa.

Samantala, sa inilabas na pahayag naman ng Shangri-La at the Fort, nilinaw nilang 11 na pusa lang ang kanilang ini-relocate at hindi 38 tulad ng unang sinabi ng isang netizen.

Iginiit din nilang hindi pinatay ang mga pusa, bagkus ay dinala lamang sa mga residential areas sa Ilaya Street at Anastacio Street sa Taguig City.

Nakipagpulong na rin sila sa CARA Welfare Philippines at Cats of BGC, para sa kaligtasan ng mga pusa sa kanilang lugar.

Tiniyak naman ng Shangri-La na tutulungan nila ang CARA at Cats of BGC na i-rescue at ibalik ang mga pusa sa BGC.

Read more...