‘15-30’ cops na nag-aabroad, tutukuyin ng BI bilang tulong sa NCRPO

 

Malaki ang maitutulong ng Bureau of Immigration (BI) sa National Capital Region Police Office (NCRPO) upang mahuli nila ang mga tinaguriang “15-30” cops.

Ayon kay NCRPO chief Oscar Albayalde, nakipag-ugnayan na sila sa BI upang matukoy ang mga pulis na nagtatrabaho abroad, at sumusulpot lang tuwing ika-15 at katapusan ng buwan para lang kumuha ng sweldo sa kanila.

Bagaman mayroon na aniyang mga ulat sa kanila tungkol dito, hindi hamak na mas lalakas ang kanilang kaso kung masusuportahan ng mga dokumento galing sa BI.

Tiniyak naman ni Albayalde na agad nilang sisimulan ang pagsibak sa mga ito oras na mapatunayan ang kanilang mga ginagawa, upang hindi na tularan ng iba pang mga pulis.

Hindi naman aniya kasi patas na ginugugol ng mga nasabing pulis ang kanilang oras sa pangalawang mas magandang trabaho sa abroad, habang ang mga kapwa nila pulis ay ibinubuwis ang kanilang buhay sa paglaban sa kriminalidad dito sa bansa.

Read more...