Ayon kay Piston President George San Mateo, ang ikinasang pagkilos ng grupo ay hindi isang transport strike kundi isa lamang protest rally.
Naniniwala si San Mateo na ang modernization program ng administrasyon ay paraan lamang upang kumita ang gobyerno.
Iginiit ng lider ng transport group na pinahihirapan ng gobyerno ang mga tsuper at operator ng jeep habang hindi naman nito maisaayos ang serbisyo ng Metro Rail Transit-3 (MRT 3).
Magsisimula ang protesta ng grupo alas-12 ng tanghali mula Welcome Rotonda sa Quezon City at magmamartsa ang mga ito patungong Mendiola sa Maynila
Magsasagawa rin ng kilos-protesta ang mga grupo ng Piston sa Bicol, Cagayan Valley, Baguio at Cagayan de Oro ayon kay San Mateo.
Samantala, bagaman nilinaw ng Piston na isa lamang protest rally ang aktibidad mamaya, nakahanda pa rin ang lokal na pamahalaan ng Taguig para sa posibleng maapektuhang mga commuters.
Magbibigay ng libreng sakay ang pamahalaang lokal mula alas-6 hanggang alas-10 ng umaga at alas-4 ng hapon hanggang alas-8 ng gabi sa mga sumusunod na ruta:
– Pasig – Bagumbayan (vice versa)
– Pasig – Tipas (vice versa)
– C5 – Market Market (vice versa)
Magdedeploy din ang Metropolitan Manila Development Authority ng mga sasakyan para isakay ng libre ang mga commuters sa FTI – Guadalupe (vice versa) route.
Lahat ng sasakyang magsasakay ng libre ay may nakalagay na signages na ‘Libreng Sakay’.