Navy Chief Empedrad, pabor sa Senate investigation sa frigate issue

 

Joan Bondoc/Inquirer

Naniniwala si Philippine Navy Chief, Rear Admiral Robert Empedrad na lilinaw ang lahat sa oras na simulan na sa Senado ang imbestigasyon sa P15.5 billion pesos frigate deal.

Sa panayam ng mga mamahayag sa Philippine Military Academy alumni homecoming sa Baguio City, sinabi ni Empedrad na makabubuti ang imbestigasyon dahil dito lalabas ang katotohanan.

Iginiit rin ni Empedrad na walang anomalya sa pagbili sa Combat Management System para sa mga frigate ng Navy.

Ngayong araw nakatakdang simulan ang imbestigasyon ng Senado sa frigate deal kung saan naakusahan si Special Assistant to the President (SAP) Bong Go na nakialam umano sa naturang transaksyon.

Diumano, nais ni Go na ang Hanhwa Thales ng South Korea ang maglaan ng combat management system ng mga navy frigate.

Gayunman, mariing itinatanggi ni Go na nakialam siya sa transaksyon.

Si Go, kasama si presidential spokesperson Harry Roque ay nakatakdang dumalo sa naturang imbestigasyon.

Read more...