Nakatakdang magpakitang gilas ngayong araw ang flag bearer ng Pilipinas na si Asa Miller sa nagaganap na Winter Olympics sa Pyeongchang, South Korea.
Lalaban ang 17-anyos na Filipino-American sa Yongpyong Alpince Center sa men’s giant slalom, isang kompetisyon kung saan kailangan niyang malampasan ang mga poles o mga gates.
Isa si Miller sa 110 kalahok para sa naturang dibisyon.
Ang kanyang unang takbo ay magaganap mamayang 9:15 ng umaga oras sa Pilipinas habang ang ikalawa ay mamayang 12:45 ng tanghali.
Ayon sa official website ng Pyeongchang Olympics, naipakilala kay Miller ang sport noong siya ay walong-taong gulang.
Ikinokonsidera niya na ang pagkakasali sa Olympics at paglahok sa World Junior Championships noong nakaraang taon bilang kanyang ‘most memorable achievements’.
Nauna nang lumaban sa sa Winter Olympics ang isa pang pambato ng Pilipinas na si Michael Martinez.