34 OFW mula sa Saudi Arabia, nakauwi na ng Pilipinas

Inquirer file photo

Dumating ang batch ng 34 na mga overseas Filipino workers (OFW) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) mula Jeddah, Saudi Arabia.

Dumating mga Pinoy workers sa NAIA dakong 6:17 kaninang umaga sakay ng Philippine Airlines PR 663.

Ang mga balik-bansa na mga OFW ay mga kalalakihang nagtrabaho sa Jeddah bilang plumber, electrician at air-con technician.

Ayon sa Repatriation and Assistance Division ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), ang 34 na OFWs ay nabigong makakuha ng Iqama o residence permit dahil may utang ang recruitment agency na kumuha sa kanila.

Dahil wala silang residence permit, dalawang buwan ng walang trabaho ang mga OFW. ilan sa mga ito ay balik-Pilipinas makalipas lamang ang anim na buwang pagtatrabaho sa Jeddah.

Ang mga dumating na OFW ay pwedeng mag-avail ng “Balik-Pinas! Balik-Hanapbuhay!” program ng OWWA para makakuha ng livelihood assistance na P20,000.

Read more...