Malaki ang ibinagsak ng trust at approval ratings ni Vice President Jejomar Binay sa ikatlong bahagi ng taong 2015.
Batay sa resulta ng survey na isinagawa ng Pulse Asia mula September 8 hanggang 14, mula sa 58% na approval rating na nakuha ni Binay noong buwan ng Hunyo, bumagsak ito sa 43% na lamang o 15 points na pagbaba.
Malaki din ang ibinaba ng trust rating ng bise presidente na mula sa 57% noong Hunyo ay nasa 39% na lamang sa latest survey.
Samantala, parehong approval rating na 54% ang nakuha ni Pangulong Aquino ngayong 3rd quarter ng 2015 kumpara sa survey noong 2nd quarter ng taon.
Sa trust rating naman, isang puntos lamang ang ibinaba ng nakuha ng Pangulong Aquino na mula sa 50% noong June survey ay naging 49%.
Nanatili namang matatag ang approval at trust ratings ng tatlo pang matataas na opisyal ng pamahalaan.
Si Senate President Franklin Drilon ay nakakuha ng 50% na approval rating na mas mataas ng 1 point sa 49% na nakuha nito noong Hunyo.
Si House Speaker Feliciano Belmonte Jr., ay bahagya ding gumanda ang approval rating ng 2 points, dahil umangat ito sa 32% mula sa 30%.
May bahagyang pagbaba naman sa approbal rating ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno, na mula sa 31% noong June at 29% na lamang ngayong Setyembre.
Sa trust ratings naman nakakuha si Drilon ng 47%, si Belmonte ay 29% at si Sereno at 26%.