LP walang ibang nililigawan para maging VP ni Roxas maliban kay Leni Robredo

leni pray over
File Photo/Mar Roxas’ FB page

Walang ibang nililigawan ang Liberal Party para sa magiging running mate ni Mar Roxas sa 2016 elections.

Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Department of Budget (DBM) Secretary at LP stalwart Butch Abad kung noon ay may mga options pa ang partido, ngayon ay tanging si Camarines Sur Rep. Leni Robredo na lamang ang kanilang hinihikayat.

Sinabi ni Abad na papalapit na ang filling ng certificate of candidacy na magsisimula sa October 12, 2015 kaya nakatuon ngayon ang pansin ng LP sa paghimok kay Robredo.

Ayon kay Abad, nauunawaan nilang mahirap para kay Robredo at sa mga anak nito ang agad na magdesisyon kaya ibinibigay nila dito ang sapat na panahon upang makapag-isip.

“Ibinibigay namin ng lubos ang panahon kay Congw. Leni Robredo para mapag-usapan ito ng kaniyang pamilya. Noong una, marami ka pang kakausapin, kailangan may options ka eh, ngayong papalapit na ang filling talagang nakatuon na kami kay Congresswoman Leni,” ayon kay Abad.

Sinabi ni Abad na taging si Robredo ang nakikita nilang pinakamahusay na magiging katambal ni Roxas sa 2016 elections.

Kung papaya aniya ang kongresista, tiyak na magiging maganda ang tambalan ng dalawa.

Sa Lunes, sinabi ni Abad na posibleng mailatag na ng Liberal Party sa publiko ang buong slate nila kasama na ang mga magiging bahagi ng senatorial slate ng partido.

Read more...