Gilas Pilipinas sasabak na sa Quarterfinals ng FIBA Asia kontra Lebanon

From Gilas Pilipinas 3.0 FB
Mula sa FB page ng Gilas Pilipinas 3.0

Tatangkain ng Gilas Pilipinas na makaabante sa semi-finals ng FIBA Asia 2015 sa pakikipagsagupa nito mamayang gabi kontra Lebanon.

Magaganap ang laban ng dalawang bansa alas 9:30 ng gabi na bahagi ng quarterfinals ng FIBA Asia na ginaganap sa China.

Kung ang Gilas Pilipinas ay mananalo kontra Lebanon, aabante ito sa semi-finals. Ang mananalo naman sa pagitan ng Japan at Qatar ang makakalaban ng Pilipinas sa semi-finals sakaling talunin nila ang Lebanon.

Una nang sinabi ng coach ng Lebanon na si And Veselin Metic na sila ay underdog sa magaganap na laban.

Pero para kay Metic, mas madali aniya para sa Lebanon na kalabanin ang Pilipinas kaysa Iran.

Ang Lebanon ay mayroong tatlong panalo, matapos magwagi kontra Chinese Taipei, Kazakhstan at Jordan, at mayroon ding tatlong talo laban sa Qatar, South Korea at China.

Habang ang Pilipinas ay isang beses lamang natalo sa kanilang laban kontra Palestine. Tinalo din ng Pilipinas ang defending champion na Iran.

Samantala, kabilang si Gilas Player Terrence Romeo sa Top Performers batay sa datos na ipinalabas ng FIBA Asia, matapos ang laban ng Pilipinas kontra India noong Martes.

Kasama ni Romeo sa napabilang sa mga Top Performers ang mga manlalaro mula sa Japan, India at Lebanon.

Read more...