Opisyal ng DOLE sa Kuwait, ipinatawag ni Bello dahil sa kawalan ng aksyon sa kaso ni Demafelis

 

Ipinatawag ni Labor Sec. Silvestre Bello III ang opisyal ng Department of Labor and Employment (DOLE) na nakatalaga sa Kuwait.

Ito’y dahil sa kabiguan nitong magbigay ng ayuda sa pamilya ng pinatay na overseas Filipino worker na si Joanna Daniella Demafelis.

Ipinag-utos ni Bello ang agad na pag-recall kay DOLE welfare officer Sarah Concepcion mula sa Kuwait upang pagpaliwanagin ito sa kawalan ng aksyon sa kaso ni Demafelis.

Una nang hiningan ni Bello ng paliwanag sina labor attache Alejandro Padaen at Concepcion.

Ayon kay Bello, hindi katanggap-tanggap ang naging paliwanag sa kaniya ni Concepcion kaya minabuti na niyang ipag-utos ang pag-recall sa opisyal.

Sakali namang hindi rin katanggap-tanggap ang magiging katwiran ni Padaen, agad rin niya itong ipapa-recall.

Ngayong araw nakatakdang maiuwi ang bangkay ni Demafelis na pinatay ng kaniyang mga amo sa Kuwait mahigit isang taon nang nakalilipas, at isinilid sa freezer hanggang sa matagpuan ito ng mga otoridad.

Read more...