Ito ang mga nakikitang solusyon ni US President Donald Trump sa dumaraming insidente ng school shooting sa Estados Unidos.
Sa kaniyang national address pagkatapos ng isa na namang school shooting sa Parkland, Florida na ikinasawi ng 17 katao, ni isang beses ay walang nabanggit ang pangulo tungkol sa gun laws ng bansa.
Ayon kay Trump, makikipagtulungan sila sa mga state at local leaders upang matiyak ang mas mahigpit na seguridad sa mga paaralan.
Nangako ang pangulo na tutulungan ang komunidad sa Florida na naapektuhan ng pamamaril ng dating estudyanteng si Nikolas Cruz sa Marjory Stoneman Douglas High School.
Maliban dito, tutungo aniya siya sa Parkland para sa pagbibigay ng tulong at makausap nang personal ang mga pamilya ng mga biktima.
Umapela naman si Trump sa mga mamamayan na tugunan ang galit sa pamamagitan ng pagmamahal, at ang karahasan gamit ang kabaitan.
Muli na namang umusbong ang usapin tungkol sa paghihigpit ng gun control sa Amerika matapos ang insidenteng ito.
Marami kasi ang nananawagan, lalo na sa social media na dapat nang higpitan ang pagpapahintulot sa pag-aari ng mga baril ng mga sibilyan.
Samantala, bilang pakikidalamhati ay ipinag-utos ni Trump ang pagbaba ng mga bandila sa half-staff hanggang Lunes ng hapon.