Nakiusap kasi si Gokongwei na bigyan ng isang taon para mailipat ang kanilang domestic flights operations mula sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3, na naglalayon sanang paluwagin ang paliparan.
Pinagmumura ni Alvarez si Gokongwei at sinabing hindi nito iniisip ang kapakanan ng mga pasahero kundi ang kinikita lang ng kaniyang kumpanya.
Paliwanag ni Gokongwei na nasa isang taon ang kailangang panahon ng Cebu Pacific para magawa ito dahil nakapag-benta na sila ng mga tickets na one year in advance sa mismong flights.
Pero iginiit ni Alvarez na higit pa sa sapat ang 45 araw na ibinigay na ultimatum sa Cebu Pacific.
Ayon pa kay Alvarez, hindi na problema ng gobyerno ang pagkakabenta nila ng mga naturang ticket, at sinabing kaya nang gawin ang lahat sa computer ngayon tulad ng paglilipat ng flights.
Sa pagdinig sa Kamara noong Miyerkules, nagbanta si Alvarez na kakanselahin ang prangkisa ng Cebu Pacific kung hindi pa rin nito mareresolbahan ang mga isyu sa kanilang operasyon.
Nakalaan kasi talaga aniya para sa mga international flights ang Terminal 3 na ngayon ay overcrowded na at nahigitan na ang kapasidad nito na 10 milyong pasahero taun-taon.
Ito aniya ang dahilan kung bakit maraming nakikitang mga nakasalampak at nakahigang pasahero sa sahig ng NAIA-3 habang naghihintay ng kani-kanilang mga flights.