Binabantayang Low Pressure Area posibleng maging bagyo-PAGASA

LPA oct 1 editedPosibleng maging isang bagyo ang binabantayang Low Pressure Ara (LPA) na nasa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR).

Ayon kay Aldczar Aurello, weather forecaster ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), nasa dagat pa ang LPA kaya maaring mag-ipon pa ito ng lakas at maging isang ganap na bagyo.

Sa sandaling maging isang ganap na bagyo ay papangalanang itong ‘Kabayan’.

Sinabi ni Aurello na northwest ang direksyon ng LPA at maaring dumaan ito sa Central Luzon.

Sa ngayon nakaka-apekto na ito sa ilang bahagi ng Bicol Region. Sa ipinalabas na rainfall advisory ng PAGASA alas 5:20 ng umaga, apektado ng mahina hanggang katamtamang pag-ulan ang Catanduanes, Northern Samar, Sorsogon, Masbate, Albay, Romblon, Camarines Sur at iba pang kalapit na lugar dahil sa nasabing LPA.

Bukas o di kaya ay sa Sabado, mararamdaman sa mas malaking bahagi ng Luzon ang epekto ng LPA.

Samantala, maaga namang inulan ang Metro Manila dahil sa thunderstorm. Sa inilabas na thunderstorm advisory ng PAGASA, alas 4:21 ng umaga, naapektuhan ng malakas na buhos ng ulan ang Rizal, Metro Manila, Laguna, at bahagi ng Bulacan, Batangas at Quezon.

Read more...