Tiyak na uusisain ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga biyahe sa abroad ni Tourism Secretary Wanda Teo.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, naging ugali na kasi ng pangulo ang magtanong.
Dagdag pa ni Roque, hindi nakapagtataka kung panay ang pagbiyahe sa abroad ni Teo dahil trabaho niya ang ibenta ang Pilipinas bilang isang travel destination.
Gayunman, hindi na nagbigay ng komento si Roque sa ulat na kasama sa mga biyahe ni Teo sa abroad ang kanyang make-up artist, utility workers, clerk, messenger at iba pa.
Ipinaliwanag ng kalihim na may nakalatag na guidelines ang Commission on Audit sa bilang ng mga personnel at legitimacy ng pagbiyahe sa abroad.
Sakali man aniyang may ginawang paglabag si Teo sa guidelines o rules and regulations ng COA ay tiyak na isasapubliko naman ito sa mga susunod na araw.
Tiniyak pa ni Roque na walang exempted sa guidelines ng COA sa mga foreign trips ng mga tauhan ng pamahalaan.