Sinabi ng Department of Environment and Natural resources na umaabot sa 51 mga establishment ang target ng kanilang closure order sa Isla ng Boracay.
Kabilang dito ang ilang mga restaurants, hotels at mga transient houses.
Ayon kay Environment Sec. Roy Cimatu, tatargetin rin nila ang mga nadiskubreng informal settlers sa Isla na kabilang sa mga dahilan kung bakit naging marumi ang paligid ng sikat na tourist spot.
Ipinaliwanag ni Cimatu na kanilang isisilbi ang notice of violations sa mga ito sa susunod na linggo.
Nauna dito ay binigyan lamang ni Pangulong Rodrigo Duterte ng anim na buwan ang DENR at ang mga may-ari ng establishmento sa Boracay para ayusin at linisin ang kanilang kapaligiran.
Balak rin ng pangulo na isara sa mga turista ang buong Boracay kung mabibigo ang mga ito na magsagawa ng paglilinis sa isla.
Pinuna rin ng pangulo ang lokal na pamahalaan ng Malay, Aklan na siyang nakasasakop sa Boracay dahil sa kanilang pagpapabaya na alagaan ang kapaligiran ng nasabig tourist destination.