Pinigil ng isang araw sa Hawaii ang pinuno ng Kingdom of Christ Ministry na si Pastor Appolo Quiboloy at ilan sa kanyang mga kasamahan.
Sa ulat ng HawaiiNewsNow.com, Noong February 13 ay ininspeksyon ng mga tauhan ng Customs and Border Enforcement ng Hawaii ang private Cessna Citation Sovereign na sinasakyan ng grupo ni Quiboloy.
Nakatakda na sanang bumalik sa bansa ang nasabing private plane nang sila ay harangin ng mga otoridad.
Sa nasabing eroplano ay nakita ng mga otoridad ang malaking halaga ng pera na umaabot sa $350,000 cash at ilang parte ng isang military-style rifle.
Maliban kay Quiboloy ay sakay rin ng eroplano ang lima sa kanyang mga kasamahan kabilang na ang U.S citizen na si Felina Salinas na residente sa Makakilo, Hawaii.
Sa pagtatanong ng mga otoridad ay inamin ni Salinad na siya ang may-ari ng nasabing pera na nakalagay sa isang suitcase pero hindi naging malinaw sa ulat kung inamin niya na siya rin ang may-ari ng mga piyesa ng baril.
Ipinagbabawal ng Federal Law ang paglalabas ng U.S currency na lampas sa $10,000 kaya kaagad na inaresto si Salinas na ngayon ay nakalabas na rin sa kulungan dahil sa $25,000 na piyansa.
Makalipas ang 24-oras na pananatili sa detention facility ng Customs and Border Enforcement Bureau ay pinayagan rin na makauwi sa Pilipinas si Quiboloy samantalang kinumpiska naman ang sinasakyan niyang private plane.
Magugunitang isa ang pinuno ng Kingdom of Christ at nagsasabing siya ang “appointed son of God” sa mga tagasuporta ni Pangulong Rodrigo Duterte noong nakalipas na halalan.