Sinabon ni House Speaker Pantaleon Alvarez ang opisyal ng Cebu Pacific sa pagdinig ng House Transportation Committee may kaugnayan sa hindi maayos na pagtrato sa mga pasahero nito.
Ayon kay Alvarez, nakita niya mismo sa Davao City International Airport kung paano naglakad ang isang nanay na pasan ang kanyang anak sa tarmac ng paliparan habang umuulan.
Ito ayon sa House Speaker ay dahil sa hindi paggamit ng Cebu Pacific ng tube ng paliparan upang makatipid.
Kinausap umano ni Alvarez ang flight attendant ng airline company ukol sa nasaksihan pero sinagot sa kanya na atas ito ng pamunuan ng Cebu Pacific.
Iginiit ni Alvarez na sa pagtatapos ng taon ipinagmamalaki ng mga airline companies na malaki ang kanilang kinita habang isinasakripisyo ang kapakanan at kaligtasan ng mga pasahero.
Tinanong din ng pinuno ng Kamara ang mga opisyal ng Civil Aviation Authority of the Philippines kung bakit pinababayaan na magdusa ang mga pasahero.
Bukod dito, ninanakawan din ng Cebu Pacific ang mga pasahero dahil kapag hindi ang mga ito nakasakay ng eroplano ay bumibili ng panibagong ticket kung saan kasama na ang terminal fee pero hindi naman ibinabalik ang hindi nagamit na terminal fee sa naunang ticket.