Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, base sa pakikipag-ugnayan ng Palasyo sa Philippine Embassy sa Beijing ay naiparating na ang disgusto ng pamahalaan sa ginawa ng China.
Pinag-aaralan na rin aniya ng Philippine Embassy na magkaroon ng rekomendasyon para opisyal na iparating sa Chairman ng International Hydrographic Organization, International Oceangeographic Commission, General Bathymetric Chart of the Oceans (GEBCO) at Sub-Committee on Undersea Feature Names (SCUFN) ang isyu.
Ayon kay Roque, hindi miyembro ang Pilipinas sa SCUFN na binubuo ng labing dalawang miyembro.
Nabatid na isinumite ng China ang kanilang proposal na baguhin ang pangalan sa undersea features sa Pilipinas sa Brazil noong October, 2015 at September, 2017.
Kabilang sa mga undersea features na pinangalanan ng China ang Jinghao at Tianbao seamounts na nasa 70 nautical miles sa Silangan ng Cagayan; ang Haidonquing seamount na nasa 190 nautical miles Silangan ng lalawigan rin ng Cagayan; ang Cuiqiao Hill and Jujiu seamount na central peaks ng Philippine Rise undersea geological province.
Lahat ng features ay nasa 200 nautical miles east coast ng Luzon na sakop ng “legal” continental shelf ng Pilipinas.