Hiling na makapagpa-biometrics ni Ex-Gen Jovito Palparan, kinontra

 

Inquirer file photo

Kokontrahin ng mga abugado ng prosekyusyon ang hiling ni Ex-Army General Jovito Palparan na makalabas ng kulungan sa October 6, upang maghain ng change of residency at makapagpakuha ng biometrics sa Commission on Elections.

Ang hakbang na ito ni Palparan ay bilang paghahanda sa kanyang planong tumakbong muli bilang senador sa 2016 elections.

Giit ni Atty. Edre Olalia, counsel ng pamilya Empeño at Cadapan, hindi dapat payagan ng korte na makalabas ng kulungan upang makapagpa-biometrics at change of address si Palparan dahil magmimistula itong special treatment.

Nangangamba rin ang pamilya Cadapan sa posibilidad na manalo ang tinaguriang ‘the butcher’ at makalusot sa kasong kanyang kinakaharap.

Gayunman, giit ng panig ni Palparan, may karapatan ito na tumakbo sa 2016 elections dahil hindi pa naman ito nahahatulan sa kaso.

Ang kasong kidnapping at serious illegal detention ni Palparan ay kasalukuyang dinidinig sa Bulacan Regional Trial Court Branch 15.

May kinalaman ito sa pagkawala at pagpatay sa UP Students na sina Sherlyn Cadapan at Karen Empeño noong 2006.

 

Read more...