Nagpahayag ng kaniyang intensyon na tumakbo bilang senador sa susunod na halalan si retired Army general Jovito Palparan.
Inanunsyo ito ni Palparan sa korte kahapon matapos ang pagpapatuloy ng pagdinig sa kaniyang kasong kidnapping and serious illegal detention.
Sa panayam ng Inquirer kay Palparan, iginiit niya ang kaniyang karapatan na tumakbo at magsilbi sa publiko lalo pa’t hindi pa naman siya nahahatulan sa anumang kasong kinakaharap.
Ayon sa kaniyang abogado na si Atty. Narzal Mallares, naghain din ang mga counsel ni Palparan ng motion for leave of court para mailipat niya ang kaniyang voter’s registration sa Taguig mula sa Pasig upang makatakbo siya bilang senador sa susunod na taon.
Ani Mallares, positibo sila na pagbibigyan ng korte ang kanilang petisyon dahil karapatan ito ng kaniyang kliyente dahil hindi pa naman ito nahahatulan sa mga kasong kinakaharap.
Si Palparan na kilala rin bilang “The Butcher” ay nahaharap sa kasong kidnapping with serious illegal detention sa Malolos Regional Trial Court dahil sa pagkawala ng dalawang estudyante ng University of the Philippines na sina Karen Empeño and Sherlyn Cadapan.
Una nang tumakbo bilang senador si Palaparan noong 2010 ngunit natalo ito.