Lusot na sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara ang panukalang batas para magtatatag ng Department of Human Settlements and Urban Development o DHUD.
Sa botong 196-6 inaprubahan sa plenaryo ng Kamara ang House Bill 6775 na naglalayong tugunan ang lumalalang problema sa pabahay sa bansa.
Ayon kay Negros Occidental Rep. Alfredo Benitez, chairman House Committee on Housing and Urban Development, ang House Bill 6775 ay hindi lamang tututok sa pisikal na kaanyuan ng pabahay bagkus magbibigay din ito ng kinakailangang link sa mga community services tulad ng edukasyon, kalusugan, pagkain, nutrisyon, welfare at recreation.
Sinabi ni Benitez na ang nasabing ahenya ang magiging nag iisa at pangunahing magpaplano, policy-making, regulatory, program coordination at magmomonitor ng lahat ng may kinalaman sa pabahay ng gobyerno.
Lilikha din ang nasabing kagawaran ng national strategy upang kaagad matugunan ang pagkakaroon ng mura at maayos na pabahay sa mga Pinoy.
Bubuuin ang bagong kagawaran sa pamamagitan ng consolidation ng Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC) at Housing and Land Use Regulatory Board (HLURB).
Ang nasabing panukala ay kabilang sa priority measures ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC).