Pinatawan ng Sandiganbayan ng 90-day preventive suspension si Mayor Monico Puentevella ng Bacolod dahil sa kinakaharap na kasong graft bunsod ng hinihinalang paggamit ng kaniyang pork barrel para sa pagbili ng overpriced na information technology (IT) packages na nagkakahalaga ng P26 milyon noong siya pa ay Congressman, taong 2002 hanggang 2007.
Sa resolusyon ng anti-graft court Fourth Division, inatasan nito ang Department of Interior and Local Government na aksyunan na ang nasabing utos at magbigay ng report hinggil dito sa loob ng limang araw.
Inakusahan ng paglabag sa Anti-Graft and Corruption Practices Act (Republic Act No. 3019) si Puentevella kasama ang yumaong regional director ng Department of Education na si Victorino Tirol at ang chairman ng Merryland Publishing na si Jessie Garcia kaugnay sa nasabing overpriced IR packages para sa mga public elementary at high schools sa Bacolod noong 2002, 2004 at 2005.
Ang nasabing IT package para sa public elementary schools na nagkakahalaga ng P400,000 bawat isa, ay naglalaman ng isang computer, 50 compact discs (CDs), at instructional materials para sa isang araw na seminar workshop.
Para naman sa public high schools na nagkakahalaga rin ng P400,000, ito naman ay naglalaman ng dalawang computer units, 80 CDs at instructional materials para sa isang araw na seminar workshop.
Nauna nang iginiit ni Puentevella na hindi naman siya kailangang suspendihin dahil hindi naman niya kontrolado ang mga testigo at ebidensya.
Dagdag pa niya, siya ay kinasuhan dahil sa isang bagay na nangyari noong siya pa ay congressman, at hindi ngayon bilang mayor.
Mayroon rin siyang nakabinbin na petition for certiorari sa Korte Suprema na kumukwestyon sa bisa ng impormasyong ginagamit laban sa kaniya.
Hindi naman pinatulan ng Sandiganbayan ang kaniyang argumento dahil ayon sa Section 13 ng RA 3019, kinakailangan talagang suspendehin ang sinumang opisyal na kasalukuyang naninilbihan na may nakabinbing prosekusyon.