P1M halaga ng pekeng pera, nakumpiska sa isang bahay sa Pasig City

Sinalakay ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group – National Capital Region (CIDG-NCR) ang isang bahay sa Pinagbuhatan, Pasig City upang isilbi ang search warrant para sa mga iligal na armas.

Ngunit pagpasok sa loob ng bahay ay mga pekeng P500 at P1,000 bills ang inabutan ng mga otoridad.

Tinatayang aabot ng P1 milyong piso ang kabuuang halaga ng mga nasabat na pekeng pera.

Ayon sa CIDG-NCR, hindi halatado ang pagiging peke ng mga pera na ibinibenta lamang sa halagang P100 hanggang P300.

Dagdag pa ng mga otoridad, maraming posibleng pinaggagamitan ng mga pekeng pera, kagaya na lamang pagsisingit nito sa ibang mga tunay na pera kapag mayroong malakihang transaksyon.

Posible rin umanong gagamitin ang mga pekeng pera bilang pambili ng boto sa nalalapit na barangay elections.

Nasabat rin ang ilang mga hindi lisensyadong baril at bala.

Arestado rin ang anim katao na kinilalang sina Jaypee Balis, Aladdin Akil, Satar Akil, Ramil Badang, Alpha Sabar, at Watari Kusay na pareparehong mahaharap sa magkakapatong na kaso.

Read more...