Sa botong 19-0 ay walang negative vote o absent votee para sa Senate Bill No. 1662 na magsisilbing amyenda sa Republic Act No. 8049 o Anti-Hazing Act of 1995.
Sa ilalim ng naturang bill ay ipagbabawal na ang lahat ng anumang hazing rites upang makasali sa isang fraternity, sorority, o iba pang organisasyon.
Kabilang dito ang anumang aksyon na maaaring makaapekto sa physical o psychological health ng mga bagong kasapi ng isang organisasyon kagaya ng “addling, whipping, beating, branding, forced calisthenics, exposure to the weather, forced consumption of food, liquor, beverage, drug and other substance.”
Ayon kay Senador Panfilo Lacson na siya ring primary sponsor ng panukala, at kasalukuyang chairman ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs, kasama sa mga organisasyon o asosasyon na ipagbabawal ang anumang hazing ang Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), Philippine Military Academy (PMA), Philippine National Police Academy (PNPA), at iba pang mga katulad na uniformed service learning institutions.
Sa ilalim rin ng panukalang batas, kakailanganing magsumite ng mga fraternities, sororities, at iba pang mga organisasyon ng application sa pamunuan ng paaralan tungkol sa kanilang isasagawang initiation rites. Kasama sa kanilang isusumite ang detalyadong proseso na gagawin sa initiation.
Dapat ring i-monitor at i-record ng paaralan ang gagawing initiation.
Ang mga miyembro ng organisasyong lalabag sa anti-hazing bill ay papatawan ng reclusion temporal at pagmumultahin ng P1 milyon. Habang mga magsasagawa naman ng initiation ng nakainom ay papatawan ng reclusion perpetua, bukod pa sa P2 milyong multa.
Kung mauuwi naman sa mutilation, sodomy, pangagahasa, o pagkamatay ang hazing ay mapapatawan ang mga kasali ng reclusion perpetua at pagmumultahin ng P3 milyon.
Maging ang mga paaralan ay pananagutin sakaling magkaroon ng hazing at ang mga opisyal ay pagbabayarin ng P1 milyong multa.
Ang amyenda sa kasalukuyang batas para sa anti-hazing ay bilang tugon sa pagkamatay ni University of Santo Tomas (UST) freshman law student Horacio Castillo III na namatay habang sumasailalim sa hazing ng Aegis Juris fraternity.