Nagkaroon kasi ng kalituhan sa Immigration at Philippine Overseas Employment Administration (POEA) kasunod ng ipinatutupad na OFW deployment ban sa Kuwait na ipinag-utos mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Lahat kasi sa mga hinarang na OFW ay nagbakasyon lamang sa Pilipinas at babalik sa kanilang mga employers sa Kuwait dahil mayroon pa silang mga existing na kontrata sa mga ito.
Ayon sa mga OFW, kung hindi sila makakabalik sa naturang bansa ay tiyak na mawawalan sila ng trabaho.
Ayon pa sa mga ito, maayos naman ang trato sa kanila ng kanilang mga employer at katunayan ay mayroon silang hawak na overseas employee certificate.
Matapos ang pag-uusap ng mga opisyal sa paliparan ay bandang alas-9 ng gabi ay pinayagan naman ang mga OFW na makalipad pabalik sa Kuwait.
Nilinaw ng mga otoridad na pawang ang mga balik-manggagawa o iyong mga OFW na may hawak na overseas employee certificate ang papayagang makapunta ng Kuwait.