Sa liham na ipinadala sa Senado na may petsang January 31, sinabi ni Bautista na taliwas sa pahayag ng komite ay wala siyang natanggap na anumang imbitasyon para dumalo sa imbestigasyon ng Senate committee on Banks, Financial Institutions and Currencies.
Dahil dito ay hiniling ni Bautista sa panel na bawiin ang subpoena sa kanya.
Ayon kay Bautista, out of the country siya mula November 21, 2017 para maghanap ng trabaho at magpagamot.
Naglabas ang Senado ng subpoena laban kay Bautista noong January 23 matapos itong hindi sumipot sa ikatlong pagkakataon sa pagdinig na nagsimula noong August 2017.
Una nang sinabi ng chairman ng komite na si Senator Chiz Escudero na oobligahin niya ang Senado na i-contempt si Bautista at ipaaresto ito kung isnabin pa rin nito ang hearing.
Present naman sa pagdinig ang misis ni Bautista na si Patricia na inakusahan ang dating Comelec chief na mayroong kwestyunableng P1 bilyong kayamanan, bagay na ilang beses nang itinanggi ni Bautista.