Walang ibang magagawa ang Armed Forces of the Philippines (AFP) kundi itigil ang nakahanda nang acquisition o pagbili sa 16 na Canadian Bell 412 helicopters na nagkakahalaga ng P11.65 bilyon.
Ito ay matapos ipag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapatigil sa naturang deal dahil sa mga kontrobersiyang nakapaligid dito.
Ayon kay Department of National Defense (DND) Secretary Delfin Lorenzana, kung pinal na ang desisyon ng pangulo ay ikakansela na nila ang pagbili at maghahanap na lamang ng ibang bansa na maaaring magbenta sa bansa ng kanilang mga helicopter.
Ani Lorenzana, marami namang mga bansa na pwedeng pagkuhanan ng Pilipinas ng mga helicopter. Kabilang dito ang Russia, China, Korea, at Turkey.
Ayon pa sa kalihim, gagamitin ang mga bibilhing helicopter sa pagdadala ng mga military personnel at mga kagamitan, mga sugatang sundalo, at para sa humanitarian assistance at disaster response operations.
Paglilinaw ng kalihim, hindi gagamiting pang-atake o bilang close support aircraft ang mga bibilhing helicopter.