Sen. Poe: Sindikato posibleng nasa likod ng kakulangan ng supply ng NFA rice

Isa sa tinitingnang rason ni Senador Grace Poe kung bakit nagkakaroon ng kakulangan sa supply ng bigas sa National Food Authority (NFA) ang sindikato sa loob ng ahensya.

Sa isang pahayag, sinabi ni Poe na dapat malaman kung bakit lagi na lamang nagkakaroon ng kakulangan ng supply sa NFA rice. Aniya, kailangang malaman kung mayroon bang sindikato sa loob ng NFA na pumipigil sa paglalabas ng impormasyon kung sapat ba o hindi ang supply ng bigas ng ahensya.

Ayon pa kay Poe, dapat balikan ang mga nakaraan nang mga isyu sa NFA katulad na lamang ng rice smuggling issue na apat na taon nang tinatalakay sa Senado ngunit hanggang sa ngayon ay hindi pa rin nareresolba.

Samantala, sinabi rin ng senadora na dapat maging prayoridad ng Department of Agriculture (DA) na kumuha ng supply ng bigas mula sa mga magsasaka sa bansa kaysa mag-import pa.

Ani Poe, magkakaroon ng mas malaking kita ang mga magsasaka kung sa kanila mismo kukuha ng bigas ang pamahalaan.

Read more...