Inihahanda na ng Volunteers Against Crime and Corruption ang dagdag pang mga kaso laban kina dating Pangulong Noynoy Aquino at ilan pang mga personalidad kaugnay sa Dengvaxia controversy.
Kinumpirma ni VACC legal counsel Manuelito Luna na kasado na ang isasampang kaso nina dating Department of Health consultant Dr. Francis Cruz at dating Cong. Glenn Chong.
Kabilang sa mga kasong ito ay ang violation ng R.A 9184 o Government Procurement Reform Act, Graft at Malversation of Public Funds.
Bukod kay Aquino, sabit rin sa kaso sina dating Health Sec. Janette Garin, ilang mga dati at kasalukuyang opisyal ng DOH pati na rin ang ilang mga opisyal ng Sanofi Pasteur at Zuellig Pharma.
Sinabi ng VACC na dapat silang managot sa P3.5 Billion na pondo ng pamahalaan na ginamit sa pambili ng nasabing anti-dengue vaccine.
Nauna na ring kinasuhan ng VACC ang nasabing mga personalidad dahil sa paglabag sa election law dahil binili umano ang nasabing mga bakuna ilang buwan bago ang araw ng halalan.
Iniuugnay sa kamakatayan ng ilang mga batang nabakunahan ng anti-dengue vaccine ang gamot na Dengvaxia.