Nagpalabas ng temporary restraining order ang Korte Suprema sa paglilitis ng Sandiganbayan sa mga kasong kinakaharap ni dating Pangulong Benigno Aquino III kaugnay sa naganap na Mamasapano encounter na ikinasawi ng 44 na miyembro ng PNP-Sepcial Action Force.
Sa 3-pahinang resolusyon ng Supreme Court 1st division, pinigil nito ang Sandiganbayan sa pagsasagawa ng paglilitis kabilang na ang nakatakdang pagbasa ng sakdal kay Aquino sa February 15 para sa kasong usurpation of authority at graft.
Kasama ring pinigil ng Mataas na Hukuman ang pagpapatupad ng resolusyon ng Office of the Ombudsman na nagbabasura sa mga kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide laban kay Aquino, dating PNP Chief Alan Purisima at dating SAF Chief Getulio Napeñas.
Noong Enero 25, 2018 na anibersaryo ng Mamasapano encounter, dumulog sa Korte Suprema ang Office of the Solicitor General.
Hiniling ng OSG sa Mataas na Hukuman na magpalabas ng TRO para pigilan ang lahat ng proceedings laban kina Aquino dahil mas mabigat umanong kaso ang dapat na kaharapin nito sa halip na graft lamang at usurpation of authority.