Sa harap ng problema ng murang suplay ng bigas, nanawagan ang grupong Bantay Bigas sa National Food Authority (NFA) na taasan ang binibili nitong lokal na palay mula sa mga magsasaka at dagdagan din ang halaga na ipinapataw sa pagbili ng palay mula sa mga magsasaka.
Ayon sa Bantay Bigas, papaanong aangal ang NFA ng kakapusan sa bigas gayong ang katotohanan ay nailipat lamang ang suplay ng bigas sa pribadong sektor.
Anila, ang kasalukuyang problema sa bigas ay resulta ng tinatawag na decoupling o pagdistansya ng NFA sa regulatory at propietary function nito.
Nililimitahan na lamang daw kasi ng NFA ang mandato nito sa pagtiyak ng buffer stock ng bigas.
Ang pagbabago umano sa mandato ng NFA ay nakapaloob sa Philippine Development Plan 2017-2022 ng administrasyong Duterte.
Nababahala rin ang Bantay Bigas na sa oras na alisin na ang volume restriction o paghihigpit sa dami ng inaangkat na bigas at ito ay mangangahulugan ng hatol na kamatayan para sa kabuhayan ng mga rice farmer sa bansa.