Nangangamba ang pamunuan ng kulungan dahil wala nang mabiling NFA rice sa mga palengke na ipinapakain sa mga preso.
Ayon kay Jail Senior Inspector Jayrex Bustinera ng public information office ng Manila City Jail, hanggang ngayong Pebrero na lamang ang supply nilang NFA rice.
Wala ring impormasyon ang bilangguan mula sa NFA central district office o sa bodega sa UN Avenue kung may mabibili pang bigas sa Marso.
Nasa mahigit 48 sako ng NFA rice ang nakokonsumo ng Manila City Jail araw-araw para sa 5,650 na mga preso.
Umaabot sa halos 1,500 sako ng NFA rice ang nakokonsumo ng bilangguan sa loob ng isang buwan.
Kapag wala pa ring mabili ang Manila City Jail na NFA rice sa susunod na buwan ay mapipilitan silang bumili ng commercial rice na makakaapekto naman sa budget para sa ulam ng mga preso.