Isang closed van na may kargang mga mantika ang tumagilid habang binabaybay ang northbound lane ng North Luzon Expressway (NLEX).
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni NLEX Traffic and Safety Manager Robin Ignacio, naganap ang aksidente alas 6:35 ng umaga malapit sa Meycauayan exit.
Tumagilid umano ang van at tumapon sa kalsada ang mga mantikang karga nito.
Nasugatan sa nasabing aksidente ang driver at dalawang pahinante ng van, pero pawang minor injuries lamang ang natamo ng mga ito at agad ding nalapatan ng lunas.
Naitabi din kaagad ang truck, gayunman, dahil sa tumapon na mga mantika, dalawang outermost lane ang isinara at hindi muna pinadaanan sa mga motorista para linisin.
Umabot sa mahigit 5 kilometers ang haba ng traffic dahil dalawang linya lang ang nadadaanan ng mga motorista.
Ani Ignacio, kinakailangan kasing matiyak na hindi na madulas ang kalsada kaya sinabon pa ang lugar na pinagtapunan ng mantika.
Pagsapit ng alas 8:20 ng umaga nabuksan na ang isa pang lane, kaya tatlong lane na ang nadaraanan ng mga motorista.
Inaalam pa kung ano ang naging sanhi ng nasabing aksidente.