NOLCOM, nagbabantay na sa PH Rise wala pa man ang utos ng pangulo

Nagsasagawa na noon pa ng maritime patrols ang Navy at Air Force units ng Northern Luzon Command (Nolcom) sa Philippine Rise o Benham Rise.

Ayon kay Nolcom Spokesman Lt. Cor. Isagani Nato, matagal nang nagpapatrolya ang militar sa nasabing teritoryo bago pa man ito ipag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ani Nato, ang pagbabantay sa mga teritoryo ay mandato na ng militar kaya’t ang Nolcom ay nagbabantay sa mga karagatang sakop ng Northern Luzon.

Ang pahayag ng opisyal ay lumabas matapos ipag-utos ng pangulo na itigil na ang maritime explorations ng mga dayuhan sa Philippine Rise at palayasin ang anumang sasakyang pandagat na nangingisda o nagsasagawa ng pananaliksik sa teritoryo.

Iginiit ni Nato na may utos man o wala, ang kanyang hanay ay patuloy na magpapatrolya sa mga teritoryong sakop ng Northern Luzon.

Kabilang naman sa mga nagbabantay sa Philippine Rise ay ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), Philippine National Police (PNP) maritime group at Philippine Coast Guard.

Read more...