Ang pag-apruba sa naturang proklamasyon ay bilang pagtalima ng pamahalaan sa nakasaad sa 1987 Constitution na maitaguyod at maprotektahan ang kagalingang pisikal, moral, espiritwal, intelektwal at sosyal ng mga kabataan dahil mahalaga ang tungkulin ng mga ito sa pagbuo ng bansa.
Sa ilalim ng Republic Act No. 9775 o ang ‘Anti-Child Pornography Act of 2009’, ay naatasan ang pamahalaan na masiguro ang kaligtasan ng bawat kabataan laban sa anumang uri ng pagmamalabis, kapabayaan at iba pang kondisyon na maaaring makaapekto sa kanyang pag-unlad bilang tao.
Nagagalak namang inendorso ng Inter-Agency Council Against Child Pornography (IACACP) ang pag-apruba sa naturang proklamasyon.
Nakasaad sa Proclamation 417 na ang lahat ng ahensya ng gobyerno at maging ang pribadong sektor ay hinihikayat na makiisa sa IACACP sa mga adbokasiya nito at sa implementasyon ng mga programa at aktibidad na gagawin bilang tugon sa proklamasyon.
Ang ‘Safer Internet Day’ ay unang pinasinayaan sa ilang mga bansa sa Europa noong 2004.
Ngayon, kabilang na ang Pilipinas sa halos 100 bansa sa mundo na magoobserba sa naturang araw upang mapalawig ang kamalayan ng publiko sa mga online issues na kinahaharap ng mga kabataan.