Sa isang statement na ipinarating sa Inquirer, isinasaad ng Coca-Cola Femsa Philippines Inc., na nagdesisyon ang kumpanya na mag-‘restructure’ sa gitna ng mga pagbabago sa industriya.
Isinaad pa sa statement na dahil nagkaroon ng mga ‘development’ at ‘regulatory environment’ sa beverage industry at sa kabuuan ng business landscape sa Pilipinas, nagsagawa ng organizational structure assessment ang Coca-Cola system at nirebisa ang mga responsibilidad ng bawat manggagawa sa kumpanya.
Gayunman, hindi tinukoy ng kumpanya kung ilan ang mga manggagawang matatanggalan ng trabaho.
Ngunit sa ulat ng labor sector-oriented Center for People’s Media, tinatayang nasa 600 na mga manggagawa ng kilalang softdrink company ang mawawalan ng trabaho sa hakbang na ito ng naturang kumpanya.
Matatandaang noong maisabatas ang TRAIN Law, tumaas ang consumption tax sa mga sugar-sweetend na mga inumin kabilang na ang mga softdrinks.
Ilang source sa industriya ang nagsabing dahil sa pagtaas ng buwis sa softdrinks ay bababa ang demand ng publiko sa mga ito.