Nakahanda si dating Health Secretary Janette Garin na harapin ang mga kasong isinampa laban sa kaniya kaugnay sa dengue vaccination program ng Department of Health (DOH) sa ilalim ng kaniyang pamumuno.
Kasong graft, mass murder, plunder at paglabag sa election laws ang kinakaharap ni Garin bunsod ng ikinasang immunization program gamit ang Dengvaxia vaccine ng Sanofi Pasteur.
Ayon kay Garin, handa siyang harapin ang lahat ng kaso dahil malinis ang kaniyang kunsensya.
Ang tanging layunin aniya noon ng DOH sa pagpapatupad ng programa ay ang mailigtas ang buhay ng mga tinatamaan ng sakit na dengue.
Sinabi ni Garin na sa huli, alam niyang lalabas ang totoo at maaabswelto siya at iba pang DOH officials na kinasuhan.
Si Garin ay dumalo sa pagpapatuloy ng pagdinig ng senado hinggil sa kontrobersiya sa Dengvaxia vaccine.