OFWs sa Qatar, nawawalan ng trabaho dahil sa diplomatic crisis

 

Daan-daang mga overseas Filipino workers (OFWs) na ang nawawalan ng trabaho sa Qatar dahil sa nagpapatuloy na diplomatic crisis sa nasabing bansa.

Ayon kay Labor Sec. Silvestre Bello III, mukhang tumitindi na ang sitwasyon ngayon sa Qatar na nagdudulot na ng malaking bilang ng displacements sa mga OFWs.

Nakababahala na aniya ito, lalo’t dumulog na sa kaniya mismo ang pinuno ng OFW organization upang ipaalam sa kaniya ang mga insidente ng “stoppage” at “separation from work” sa Qatar.

Ito ay bunsod ng hindi pa rin natatapos na iringan ng Qatar at iba pang mga bansa sa Middle East.

Dahil dito, ilang kumpanya na ang nagsasara na nagdudulot naman ng kawalan ng trabaho sa daan-daang mga Pilipino.

Sa ngayon ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE), aabot na sa kabuuang 644 Pinoy workers na ang naapektuhan ng naturang diplomatic crisis.

Karamihan kasi sa mga kumpanyang pinapasukan ng mga Pilipino doon ay pawang mga pag-aari ng Saudi Arabia na hindi kasundo ngayon ng Qatar.

Sa kabila nito ay tiniyak ni Bello na ang krisis ng displacement sa Qatar ay hindi pa naman umaabot sa puntong sinususpinde na ang deployment ng mga OFWs sa nasabing bansa.

Pero mapgapadala na rin ang DOLE ng grupo na pamumunuan ni Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) deputy administrator Arnel Ignacio sa Qatar at iba pang Middle East countries upang matiyak ang maayos na kundisyon ng mga OFW.

Read more...