Sanofi, hindi pa lusot sa Dengvaxia issue – Palasyo

 

Hindi pa tuluyang makakalusot ang pharmaceutical company na Sanofi Pasteur sa kontrobersya sa Dengvaxia.

Ito’y sa kabila ng findings ng University of the Philippines-Philippine General Hospital (UP-PGH) na tanging tatlo lamang sa 14 na batang nasawi na nabakunahan ng Dengvaxia, ang nagkaroon ng dengue.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, nangangarap lang ang Sanofi kung iisipin nilang nakalusot na sila.

Sa report kasing inilabas ng expert team ng UP-PGH, dengue shock syndrome ang ikinasawi ng tatlo sa mga bata, at ang dalawa sa mga ito ay posibleng dahil sa pagkakamali sa bakuna.

Gayunman, pinaalalahanan ni Roque ang kumpanya na huwag pang magpaka-kumpyansa dahil hindi pa tapos ang usapin.

Ani Roque, mayroon pang reklamo ang Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) na election offense umano ang ginawa ng Sanofi.

Ayon aniya sa reklamo, hindi buong isinaad ng kumpanya kung ano ang side effect ng bakuna nang ibigay ito sa mga bata.

Ang resulta aniya ng pagsisiyasat ng UP-PGH ay hindi nangangahulugan na wala na silang pananagutan sa isyu ng Dengvaxia.

Naglabas naman na ng pahayag ang Sanofi kung saan nanindigan silang hindi nila ibibigay ang full refund ng P3.5 bilyong ginastos ng gobyerno para sa Dengvaxia.

Pero ayon kay Roque, marami pang ibang posibleng pananagutan ang maipapataw sa Sanofi lalo na kung mapatunayang alam nilang mayroon itong side effect ngunit hindi nila ito sinabi.

Sakaling ganito ang sitwasyon, napakalaking danyos aniya ang maaring bayaran ng Sanofi dahil sa pagkakamali.

Read more...