Nagsimula ang takot ng publiko, partikular ng mga magulang sa pagpapabakuna ng kanilang mga anak dahil sa isyu ng pagsablay ng anti-dengue vaccine na Dengvaxia.
Ayon kay Recto, malaki ang budget ng DOH para sa advertising na maaring gamitin para pakalmahin ang aniya’y mga “unfounded concerns” tungkol sa pagpapabakuna.
Maliban dito, kailangan din aniya maglunsad ng DOH ng information drive upang maiwasang tuluyang mawalan ng kumpyansa ang publiko sa mga programang pang-kalusugan ng pamahalaan.
Naalarma kamakailan ang DOH dahil iniiwasan na rin ng mga magulang ang mahahalagang bakuna para sa kanilang mga anak bunsod ng kontrobersya sa Dengvaxia.
Ngayong taon ay bibili ang gobyerno ng P7.4 bilyong halaga ng mga bakuna na para sa milyun-milyong mamamayan kabilang na ang mga bata, kababaihan at senior citizens.
Nangangamba si Recto na kapag nagpatuloy ang ganitong takot ng mga tao sa bakuna, maaring malagay sa alanganin ang kalusugan ng mga mamamayan.
Kabilang sa mga ilalaang bakuna para sa mga bata, kababaihan at mga matatanda ay ang flu shots, anti-tetanus, diphtheria,measles, Japanese Encephalitis at pneumococcal vaccine.