Timbog ang isang lalaking itinuturong suspek sa pamamaslang, panghoholdap at pagnanakaw ng motor sa Malabon City.
Kinilala ang suspek na si Kenneth Concepcion alyas Macmac, 27 taong gulang at residente pa ng San Jose del Monte sa Bulacan.
Ayon kay Police Chief Inspector Fernando Tariga, administrative officer ng Malabon City Police, pinara si Concepcion ng kanilang mga pulis sa isang checkpoint dahil wala itong suot na helmet habang nagpapatakbo ng motorsiklo.
Nang kapkapan ay doon na nakumpiska mula sa suspek ang isang baril.
Agad na dinala sa himpilan ng Malabon City Police si Concepcion, kung saan naman napag-alaman na suspek pala ito sa pagnanakaw ng motorsiklo at maging ng panghoholdap.
Itinanggi naman ni Concepcion ang bintang ng pangangarnap ng motor.
Aniya, holdupper lamang siya.
Dagdag pa nito, maging ang kasama niyang si alyas Ungas ay kasama lamang niya sa panghoholdap.
Bukod sa kasong carnapping at robbery with holdup ay mahaharap din si Concepcion sa kasong murder matapos nitong patayin ang isang ex-Marines noong 2017 na kanya namang pinagtaguan matapos ang insidente.
Dati na rin itong nakulong dahil sa dalawang counts ng alarm and scandal, frustrated murder, at illegal possession of firearms.
Patuloy namang tinutugis ng mga otoridad si alyas Ungas.