13-anyos na binatilyo, patay sa pamamaril ng riding-in-tandem sa Pagadian City

 

Sa kabila ng pagmamakaawa, binaril pa rin ng dalawang lalaking riding-in-tandem ang isang 13-anyos na binatilyong pauwi galing sa internet shop sa Purok Makabibihag Uno, Barangay Sta. Lucia sa Pagadian City.

Kinilala ng hepe ng Pagadian City Police Station na si Supt. Benito Recopuerto ang bata na si Saidamen Diamla.

Ayon kay Recopuerto, kakatapos lang mag-laro ng binatilyo sa computer shop sa Pulmones street at pauwi na sana sa kanilang bahay kasama ang iba pang mga nakalaro nito.

Gayunman, dumating umano ang dalawang lalaking sakay ng motorsiklo pasado alas-3:00 ng madaling araw.

Natakot ang grupo ng mga kabataan at nagpulasan upang mailigtas ang kani-kanilang mga sarili.

Gayunman, hinabol ng mga suspek si Diamla at nang maabutan siya ng mga lalaki ay pinagbabaril ng mga ito ang biktima.

Nagtamo ng isang tama ng bala sa kaliwang dibdib si Diamla mula sa cal. .45 na baril na gamit ng suspek.

Ayon pa sa mga nakasaksi sa pangyayari, lumuhod at nagmakaawa pa si Diamla sa mga suspek ngunit walang awa pa ring pinagbabaril ng mga ito.

Hindi naman maisip ng ina niyang si Sittie Diamla ang posibleng motibo sa pagpatay sa kaniyang binatilyong anak.

Read more...