Bilang ng mga sumasakay sa LRT 1, mas marami na kaysa MRT 3

Photo from https://www.lrta.gov.ph/

Pumalo na sa 500,000 katao ang sumasakay sa LRT 1 kada araw.

Higit na mas malaki ito ng 16 percent sa bilang ng sumakay sa linya ng tren noong nakaraang taon.

Dahil dito, naungusan na ng LRT 1 ang MRT 3 kung bilang ng mga pasahero ang pag-uusapan.

Ang 500,000 commuters ay halos kaparehong bilang ng sumasakay sa MRT kada araw noong mga nakaraang taon ngunit bumagsak sa 400,000 noong 2017.

Simula naman ng hawakan ng gobyerno ang MRT 3 noong Nobyembre, bumagsak sa 320,000 ang bilang ng mga sumasakay sa itinuturing na pinakagamit na train line sa buong Metro Manila.

Ayon kay LRT 1 President and CEO Juan Alfonso, ang mas pinagandang serbisyo ng LRT 1 kabilang ang pagpapaganda sa mga istasyon at pagkukumpuni sa mga sirang bagon ay nakatulong sa pagbuhos ng mga commuters sa linya ng tren.

Dahilan din ang patuloy na aberya ng MRT 3 sa paglipat ng commuters sa LRT 1.

Kung ang MRT ay mayroon na lamang walo hanggang sampung tren na tumatakbo kada araw at may interval na walo hanggang siyam na minute, ang LRT 1 ay may 29 hanggang 31 na tren at ang interval ay higit tatlong minuto lang.

Plano pang ipatupad ng pamunuan ng LRT 1 ang iba pang pagbabago tulad ng paglalagay ng wifi sa mga istasyon at pagpapabilis ng takbo ng tren mula 40 kph patungong 60 kph

Ang LRT 1 ay tumatakbo mula Roosevelt station sa Quezon City hanggang Baclaran Station sa Pasay at dumadaan din sa mga lungsod ng Caloocan, Maynila.

Read more...