Tinatayang hindi bababa sa 10,000 evacuees ang mababawas sa isinasagawang decampment sa mga evacuation centers sa lalawigan ng Albay.
Ayon kay Cedric Daep, pinuno ng Albay Public Safety and Emergency Management Office na malaking bagay na ito para mabawasan ang nagsisiksikan na mga evacuees sa mga classrooms.
Kabilang sa mga pinayagan na makauwi sa kanilang mga bahay ay iyung mga nakatira sa labas ng permanent danger zone.
Aniya, kailangan maabot nila ang ideal ratio na walo hanggang 10 pamilya lang ang nasa mga classrooms.
Ito ay nangangahulugan na hanggang 70 indibiduwal lang ang nasa mga silid paaralan.
Una nang sinabi ni Daep na dahil sa pagsisiksikan sa mga evacuation centers ay nagkakahawaan na ng ibat ibang mga sakit ang mga bakwit.
Sa pinakahuling tala ni Daep, aabot 22,000 na pamilya o 84,000 indibiduwal ang inilikas dahil sa pag aalburuto ng bulkang Mayon.